Monday, August 25, 2014

Madaling magpeke ng larawan para sa mga mahuhusay magphotoshop. Pero sa mundo ng internet, wala ng mas dadali pa sa pagpepeke ng ugali at pagkatao ng isang tao. Madaling magpakita ng kahit anong uri ng kaplastikan. Pwede kang magmukhang mabait base sa mga sinusulat mo. Pwede kang magmukhang matalino, magpanggap na eksperto sa pagpapayo ng kung anong anik anik, o maging tagapagtanggol ng mga taong sinugatan at inapi. Pwede kang magbalat kayo bilang mabuting kaibigan o isang dakila at martyr na mangingibing. Pero yun pala nanggagamit ka lang. Pwede kang mapagkamalang masayahing tao dahil puro nakakatawa ang mga sinusulat mo. Pero ang totoo, sa dulo ng esophagus mo, mas marami pa yung mga oras na malungkot ka kesa masaya ka. Pero walang kahit sinong nakakaalam.
Hindi basehan ang internet lang para makilala mo ng lubusan ang isang tao, kung ano ang tunay niyang iniisip maging ang kanyang totoong nararamdaman. Maliit na porsyente lang yan ng kanyang pagkatao at hindi yan ang kanyang kabuuan. Hindi sapat ang ilang oras na pag oonline mo para husgahan ang isang tao base sa ipinapakita niya dito. Dahil minsan kahit basahin mo ang lahat ng sinulat niya, hindi mo pa rin kayang kilalanin ang tunay na siya.

No comments:

Post a Comment